MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang grupo ng kababaihang magsasaka ang pagpatay sa walong katao sa magkahiwalay na insidente sa Negros Occidental at Masbate nitong September 21 — kasabay ng ika-51 anibersaryo ng Martial Law.
Binanggit sa pahayag ng Amihan National Federation of Peasant Women, Miyerkules, ang pagkabahala sa mga insidente ng pagpatay sa mga magsasaka at pesanteng babaeng nire-red tag sa Placer, Masbate at sa Kabankalan City, Negros Occidental.
“Tahasang kasinungalingan ang pagtawag sa mga magbubukid bilang mga [New People's Army] para lang mapangatwiranan ang pagpatay ng estado sa kanila,” sabi ni Zenaida Soriano, national chairperson ng Amihan.
Binanggit nilang isang magsasaka sa Masbate ang binaril ng Civilian Armed Forces Geographical Unit. Binaril din ang asawa ng magsasakang tumakbo upang makita ang nangyari.
Matapos ang insidente, naglabas ng pahayag ang militar na sinabing miyembro ng NPA ang dalawang nabaril, isang pahayag na itinanggi ng Bagong Hukbong Bayan sa Masbate.
Mayroon ding insidente sa Negros Occidental kung saan anim na tao ang pinagbabaril at pinatay ng 47th IBPA habang nakasakay sila sa isang tricycle. Kabilang sa mga biktima ang isang buntis na babae.
Sa insidenteng ito, binanggit ni Brigadier General Joey Escanillas ng 302nd Infantry Brigade na NPA ang mga pinatay at ang insidenteng nangyari ay resulta ng 10 minutong armed encounter.
“Bata, buntis, matanda, sibilyan, maysakit, ay walang-awa nilang pinapatay para lamang supilin ang panawagan ng mamamayan para sa lupa, kabuhayan, at katarungan,” sabi ni Soriano.
“Kailangan ding magkaisa para ipanawagan na itigil na ang pambobomba at militarisasyon sa kanayunan at palayasin ang mga militar.”
Ipinanawaagan din ng Amihan na dapat panagutin ng sambayanan ang mga militar at ang pangulo sa mga krimeng ito.
“Pinakikita lamang ng karumal-dumal na pag-atakeng ito ang pagpapatuloy niya sa legacy ng kanyang ama na diktaduryang pasista at naglilingkod sa mga panginoong maylupa at dayuhan sa halip na sa taumbayan,” Soriano ended.
Sinubukan ng Philstar.com kunin ang panig ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Medel Aguilar tungkol sa isyu ngunit wala pa rin tugon hanggang sa ngayon. — intern Matthew Gabriel