MANILA, Philippines — Tila nagbigay ng bukas na posibilidad si Pope Francis sa pagbibigay ng simbahan ng basbas sa mga ‘same sex couples’ sa mga kundisyon na base sa bawat kaso nito at hindi dapat maihalintulad sa kasal ng mga ‘heterosexuals’ o may atraksyon sa magkaibang kasarian.
Inilabas ng Santo Papa ang kaniyang opinyon nang matanong ng isa sa limang kardinal mula sa Asya, Europa, Africa, Estados Unidos at Latin America, sa tinatawag na “dubia” (“doubts” o pagdududa sa Latin). Isa sa tanong na napadala ay ang pagbibigay ng basbas ng mga pari sa same sex couples na palasak na sa Germany.
Sa kaniyang “seven-point response”, sinabi ni Francis na malinaw na ang sakramento ng matrimonyo ay para sa lalaki at babae lamang.
Ngunit sinabi rin niya na “pastoral charity should permeate all our decisions and attitudes”. Idinagdag pa niya na hindi maaaring ang simbahan na maging mga huwes na tanging gawain lamang ay “deny, reject and exclude”.
Binanggit din niya na ang mga kahilingan para sa pagbabasbas ay paraan ng tao para makaugnayan ang Diyos para mapabuti ang kanilang buhay, kahit na ang ilang gawain nila ay “objectively morally unacceptable”.
Itinuturo rin umano ng simbahan na ang atraksyon sa kapwa kasarian ay hindi makasalanan, ngunit ang “homosexual acts” ang kasalanan.
Nagbilin din si Francis na ang pagbibigay ng basbas ay hindi dapat makagawian at hindi rin dapat mabigyan ng “blanket approval” ng simbahang may hurisdiksyon sa mga diyoseses o national bishop conferences.
Isinagawa ang Dubia noong Hulyo at nailathala ang mga tugon ni Pope Francis nitong nakaraang Lunes makaraang sabihin ng limang kardinal na hindi sila kuntento sa mga naging sagot ng Santo Papa.