MANILA, Philippines — Ipinanawagan ng isang pangkat ang pagsingil sa China ng "environmental costs" dahil sa pinsala nito sa mga coral reef sa West Philippine Sea.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, dapat pagbayarin ng Pilipinas ang China dahil sa pagkasira nito ng 12 magkakahiwalay na coral reefs na may 400 ektarya bawat isa.
Related Stories
Aabot daw sa higit P223.2 billion ang halaga ng mga napinsalang coral reef kung susundin ang baseline value na itinatta ng isang Dutch information and analytics company sa P18 million kada ektarya.
"If we include the yearly cost since the international ruling in 2016, or equivalent to seven years, the amount could reach a whopping P1.5 trillion," sabi ni Fernando Hicap, PAMALAKAYA national chairperson, sa isang pahayag.
Binanggit din ng PAMALAKAYA na ayon sa Permanent Court of Arbitration ng United Nations na China ang dahilan sa likod ng higit 99% na pagkasira ng mga coral reefs sa West Philippine Sea o 12,400 ektarya.
“We demand the Marcos administration to charge China the remuneration for its aggression and plunder, not to mention the cost of its back rent for the years of illegal occupation of our sea features,” diin ni Hicap.
“China’s monetary liabilities to our country could be invested for the development of our ailing fisheries production.”
Dagdag pa niya na may karapatan ang Pilipinas na singilin ang China at kinakailangan na lamang ng political will ng gobyerno upang umaksyon ukol dito.
Hindi ito ang unang panawagan na singilin ang China ukol sa pinsalang iniiwan nito sa West Philippine Sea.
Nitong September maaalalang nanawagan din si Senator Risa Hontiveros na singilin ang China matapos makita ang pinsalang ginawa diumano nito sa Rozul at Escoda coral reef.
Noong nakaraang buwan lang nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na napansin nila ang aniya'y malawakang "coral harvesting" sa Rozul Reef, lugar kung saan sinasabing nakikita ang ilang Chinese fishing vessels.
Ang naturang erya ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at sakop ng West Philippine Sea, bagay na pilit inaangkin ng Beijing hanggang sa ngayon. — intern Matthew Gabriel