MANILA, Philippines — Kinastigo ng isang grupo ng transportation advocates ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas ang pasahe sa jeepney ika-8 ng Oktubre.
Ngayong Martes kasi nang ipagkaloob ng LTFRB ang naturang provisional fare hike, bagay na magtataas sa minimum na pasahe sa tradisyunal na jeep sa P13 habang P15 naman ito sa mga modernong mini buses (e-jeep).
Related Stories
"Naninindigan ang Move As One Coalition na wala sa mga pasahero o tsuper ang dapat sumalo sa epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo. Ang pampublikong transportasyon ay isang kritikal na serbisyong inaasahan ng milyon-milyong Pilipino," wika ni Move as One Coalition civil engagement lead Kat Moreno, Martes.
"Marapat lamang na ang pamasahe ay manatiling abot-kaya lalo na para sa ating mga ordinaryong manggagawang minimum wage lamang ang natatanggap na sahod. Ngunit hindi rin dapat mga operator at tsuper ang pumasan sa walang katapusang pagtaas ng petrolyo kapalit ng kitang maiuuwi nila sa kanilang mga pamilya."
Ipinepetisyon ng Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association Nationwide Inc. (PASANG MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang dagdag pasahe bilang tugon sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo, bagay na tumatama sa kita ng mga drayber at operator.
Gayunpaman, naninindigan ang nasabing koalisyon na dapat gamitin ang buwis ng mamamayanan para panatilihing abot-kaya ang pamasahe at siguruhing may sapat na kita ang mga manggagawa sa transportasyon.
"Ang dalawang sektor na ito ay parehas nangangailangan ng suporta ng estado," sabi pa ni Moreno.
"Ang panawagan sa pamahalaan ay hindi ipagsabong ang interes ng ating mga tsuper at komyuter sa tuwing magtataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado."
Sabado lang nang sabihin ng LTFRB na umabot na sa 128,912 ang kwalipikadong benepisyaryo ng fuel subsidy program ng board. Aniya, P840.61 milyong subsidiya na ang naibigay sa Landbank of the Philippines para sa programa.
Ang naturang programa ay ikinakasa sa pag-asang mababawasan nito ang pasanin ng mga nagtratrabaho sa pampublikong transportasyon.
Una nang sinabi ng PISTON, isang progresibong transport group, na hindi sila naghain ng petisyon para itaas ang pamasahe upang hindi pagbanggain ang interes ng mga tsuper at komyuter.
Sa halip, mas mainam aniyang ibasura na lamang ang Oil Deregulation law at isuspindi ang excise tax at value added tax sa petrolyo, bagay na mas mapakikinabangan daw ng publiko. — James Relativo