14-anyos na estudyante pumanaw sa sampal ng guro matapos 'mag-ingay'

Litrato ni Francis Jay Gumikib
Mula sa Facebook ni Francis Jay Gumikib

MANILA, Philippines — Patay ang isang Grade 5 student nitong Lunes, ika-2 ng Oktubre, matapos sampalin ng kanyang guro sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.

Base sa mga ulat, ika-20 ng Setyembre nang sampalin ng isang guro ang 14-anyos na si Francis Jay Gumikib dahil diumano sa pag-iingay.

“According po doon sa mga bata is hinawakan daw po sa damit then hinakawan sa buhok saka po natampal,” sabi ni Divina Rafael, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Antipolo City Police Station sa ulat ng ABS-CBN.

Nakapasok pa raw ang bata ng ilang mga araw ngunit unti-unting siyang nakaramdam ng pananakit sa ulo at taenga na sinundan ng pagkawala ng balanse at pagsusuka kung kaya’t dinala na siya sa ospital.

Sinubukan pa raw puntahan ng magulang ng estudyante ang guro upang kausapin ngunit hindi raw nagpapakita.

“Ang gusto niya is makausap ‘yung subject teacher na nakapanakit sa anak niya pero ang nakausap ay adviser. Hinihintay na makausap pero hindi po nangyari,” sabi ni Rafael.

Dinala sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima ngunit na-comatose ito at ayon sa rekords ng ospital nagkaroon ng pagdurugo sa utak niya hanggang sa binawian siya ng buhay. 
 
Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente habang isasailalim pa sa autopsy ang bangkay ni Gumikib ngayong Martes upang matiyak ang kinamatay nito. 

Inihahanda na rin ng pulisya ang mga reklamong homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law laban sa gurong nanampall habang pupuntahan naman daw ng DepEd superintendent ang paaralan ukol sa insidenteng ito. — intern Matthew Gabriel

Show comments