Ginamit noong Mayor ng Davao
MANILA, Philippines — Naniniwala si dating Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares na dapat ibalik ni Vice President Sara Duterte ang P2.6 bilyong confidential fund noong siya pa ang alkalde ng Davao City.
Ayon kay Colmenares, dapat nang kumilos si Commission on Audit chairman Gamaliel Cordoba upang ipabalik kay Duterte ang nasabing confidential fund na ginastos nito noong mayor pa ng Davao mula 2016 hanggang 2022.
Sinabi ni Colmenares na hindi kapani-paniwala na magagastos ng isang local official sa loob ng anim na taon ang P2.6 bilyon o P1.235 milyon kada araw.
“COA must make sure if this was fully liquidated with supporting document of payments or receipts,” ani Colmenares.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng COA, lumilitaw na ang confidential funds ng Office of the Mayor noong panahon ni Duterte ay umaabot sa P144 milyon noong 2016; P293 milyon, 2017; P420 milyon, 2018 at tinatayang P460 milyon sa taong 2019 hanggang 2022.
Giit ni Colmenares, kailangan na malaman ng mga taga Davao kung saan napunta ang nasabing confidential fund upang maiwasan ang pagdududa.
Sinabi naman ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro, lantaran naman umano ang maling paggastos ni Duterte ng CIF kaya’t dapat nang isampa ng COA ang reklamo laban dito.
Paliwanag ni Castro, dinaig pa ng Davao na P1.235 milyon kada araw na “secret spending” ang ilang mayayamang lungsod kabilang na ang Quezon City at Makati City.
Dapat na busisiin mabuti ng COA ang pondo at tiyaking nagamit ng tama sa confidential purposes.
“If it is proven otherwise, the money should be returned and legal action should be taken,” dagdag pa ni Castro.