MANILA, Philippines — Asahan na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng itlog sa mga susunod na araw, bunsod na rin ng nalalapit na Kapaskuhan.
Ayon kay Philippine Egg Board Chairman Gregorio San Diego, dahil nalalapit na ang Holiday Season, inaasahang tataas din ang demand o pangangailangan sa itlog, na magreresulta sa pagtaas ng presyo nito.
Sinabi pa ni San Diego, na siya ring chairman ng United Broiler Raisers Association (UBRA), isa pa sa mga sanhi ng pagtaas ng retail price ng itlog ang pagbaba ng produksiyon nito dahil na rin sa pananalasa ng mga nakalipas na bagyo sa bansa.
Babala pa ni San Diego, posibleng magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng itlog sa unang bahagi ng susunod na taon.