P650 milyong confidential, intel funds ni VP Sara, tinanggal na

Philippine Vice President Sara Duterte applauds during a change of command ceremony at Camp Aguinaldo in Quezon City, suburban Manila on August 8, 2022.
AFP / Ezra Acayan / Pool

MANILA, Philippines — Matapos ulanin ng mga pagbatikos, tinanggal na ng liderato ng Kamara ang kinukuwestiyong P650 milyong intelligence at confidential funds ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte at ilalaan na lamang ang pondo sa intelligence budget ng mga security forces na nangangalaga sa West Philippine Sea (WPS).

Una nang nabulgar na ang P125-M confidential fund noong 2022 ng tanggapan ng Office of the Vice President (OVP) ay ginasta sa loob lamang ng 11 araw o mula Disyembre 13-31, 2022 o P 11.3 M kada araw base na rin sa auditing report na inilabas ng Commission on Audit (COA).

Bago ito ay nagdesisyon ang mga lider ng mga partido pulitikal sa Kamara na tanggalan ng confidential at intelligence funds ang mga ahensiya at departamento ng pamahalaan na walang mandato sa pagbibigay proteksiyon sa WPS.

Si Duterte ay mayroong P150-M confidential fund sa ilalim ng OVP at P500-M intelligence fund sa DepEd. Bukod pa ito sa P2.395-M panukalang badyet ng OVP sa ilalim ng P5.768 trilyong 2024 national badyet ng pamahalaan.

Ang sektor ng edukasyon ang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na nagkakahalaga ng P924.7 bilyon, kung saan nakapaloob na ang pondo ng Universal Access to Quality Tertiary Education program, textbooks, at feeding programs. 5.27 porsyento ang itinaas sa budget ng Department of Education na nasa P758.6 bilyon.

Show comments