MANILA, Philippines — Kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-123 Philippine Civil Service Anniversary (PCSA), nagsama-sama ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno mula sa iba’t ibang rehiyon sa kanilang pagdaraos ng nationwide Medical Mission of Government Workers, kahapon.
Sinabi ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Alexei Nograles na layunin ng nasabing medical mission na magbigay ng mga pangunahing serbisyong medikal at dental para sa mga marginalized na sektor sa buong bansa.
“Public service is rooted in the promise to uplift the marginalized and those with limited access to essential services. As a way to give back to communities, this year’s PCSA celebration includes medical mission activities to be held in different parts of the country,” ayon kay Nograles.
Sa pamumuno ni acting Director IV Rosalinda Tanaliga-Oliva, nanguna ang CSC Regional Office III sa pag-oorganisa ng nationwide medical mission gaya ng dental services para sa mga katutubo, matatanda, may kapansanan, inabandonang bata at battered women, kabataang delingkuwente at mga taong pinagkaitan ng kalayaan.
Ang mga magsasaka, mangingisda, informal settlers, at street dwellers ay inanyayahan din na tumanggap ng basic medical check-up.
Sinabi ni Nograles na ang pamamahagi ng ayuda ang pinakamainam na paraan para ipagdiwang ang serbisyo publiko.