Tsina itutuloy 'depensahan' ang Scarborough matapos tanggalin ng Pinas ang floating barriers
MANILA, Philippines — Muling nagmatigas ang Beijing sa desisyon nitong depensahan ang kanilang "soberanya" sa Bajo de Masinloc (Scarborough) — kahit nasa exclusive economic zone ito ng Pilipinas batay sa international law.
Ito ang idiniin ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin nitong Miyerkules ilang araw matapos tanggalin ng Philippine Coast Guard ang floating barriers na inilagay ng Beijing na humaharang sa mga Pinoy na mangingisda.
"Yesterday, I made clear China’s position on the issue, and you may refer to that. I would like to reiterate that Huangyan Dao has always been China’s territory," wika ni Wang sa isang press conference kahapon.
"What the Philippines did looks like nothing more than self-amusement. China will continue to safeguard our territorial sovereignty and maritime rights and interests over Huangyan Dao."
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang special na operation ng pagtatanggal sa harang, dahilan para atasan ni National Security Adviser Eduardo Año ang Coast Guard na putulin ang barrier sa timogsilangang tarangkahan ng Bajo de Masinloc.
Pilit na iginigiit ng Tsina na kanila ang Bajo de Masinloc, bagay na kanilang tinatawag na "Huangyan Dao," kahit binalewala na ng 2016 arbitral ruling ng Permanent Court of Arbitration ang nine-dash line.
Ang naturang linya ang ginagamit ng mga Tsino para ikatwiran na kanila ang halos buong South China Sea. Nasa loob nito ang West Philippine Sea, bagay na pasok sa 200 nautical mile EEZ ng Pilipinas.
Kamakailan lang nang sabihin ni Wang na naging "propesyunal" lang ang Chinese Coast Guard sa paglalagay ng harang, bagay na "kinakailangan" aniya.
Kahapon lang nang magkaisa ang political party leaders ng Nationalist People's Coalition, Lakas-CMD, Nacionalista Party, PDP-Laban, National Unity Party at Party-list Coalition Foundation Inc. sa Kamara na ilipat ang mas malaking intelligence at confidential funds sa mga sumusunod na ahensya upang mamanmanan nang maayos ang West Philippine Sea:
- National Intelligence Coordinating Agency (NICA)
- National Security Council (NSC)
- Philippine Coast Guard (PCG)
- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)
Tanging 118.7 milyon lang ang natanggap na pinagsama-samang intelligence at confidential funds ng Coast Guard simula pa noong 2006, higit na mas maliit kaysa sa P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 — bagay na naubos sa loob ng mahigit-kumulang dalawang linggo lang.
- Latest