MANILA, Philippines — Nag-uwi ng silver medal sa Pilipinas ang Arayat Football Club (FC) sa katatapos na La Liga Youth Tournament Under 12 na ginanap kamakailan sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Dahil dito, nalagpasan ng mga batang atleta ang bronze finish nila noong 2022, na kauna-unahang podium finish ng Pilipinas sa naturang torneyo.
Ang Arayat FC ay kinabibilangan nina: Anaiah Sotto, Angelo Fernando, Tiago Elviña, Jof Peña, Rafa Cadiena, Scott Gibbs, Vito Gutierrez, Matthew Zamora, Raiden Belmonte, Liam Cruz, Liam Martinez at Max Villavicencio.
Ginabayan sila ng kanilang mga coach na si Hamed Hajimehdi, isang propesyunal football player.
Nasa 52 FC teams ang lumahok sa torneyo: 10 teams sa Under 8, 12 teams sa Under 10, 12 teams sa Under 12, 10 teams sa Under 14 at walong teams sa Under 16. Kabilang sa mga bansang lumahok sa torneyo ang Pilipinas, Malaysia, Thailand, Singapore, Indonesia, Laos, at Cambodia.
Isinagawa ang tatlong araw na La Liga Youth football carnival sa Kuala Lumpur na nag-umpisa nitong Setyembre 15 hanggang Set. 17, 2023. Bukas ito sa lahat ng age groups mula Under 8 hanggang Under 16 (Boys at Girls).
Ang naturang torneyo ang isa umano sa pinakamahalagang grassroots football tournament ngayon sa Asya.