MANILA, Philippines — Sa botong 272 pabor at 4 tutol, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang reporma sa pension system ng Military and Uniformed Personnel (MUP) sa bansa.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang House Bill 8969 o MUP Pension System Act ay sumasakop sa retirement, benefits, pagbuo ng trust funds, mandatory contribution sa mga bagong entrants at pagtatakda ng annual salary increase ng MUP personnel.
Nasa 3% taas sa sahod ang ibibigay sa MUP kada taon sa loob ng 10 taon kapag naging epektibo na ang batas.
Ang mandatory retirement age ay 57-anyos o kapag nakapagserbisyo na ng 30 taon at may opsyon para sa voluntarily retirement kapag nakapagsilbi na ng 20 taon.
Sa mga MUP na namatay o nasugatan sa labanan na nagresulta sa kanilang total permanent disability, ang retirement pay ay nasa 90% ng kanilang base pay at longevity pay.
Sa mga dati nang miyembro bago maisabatas ang MUP law, ang makukuhang retirement pay ay 50% ng kanilang base pay at longevity pay na katumbas ng kasunod na ranggo.
Para kumita ang trust funds, ang mga bagong MUP members ay magbibigay ng mandatory monthly contribution na nasa 9% ng kanilang sahod habang 1% ang kontribusyon ng national government.