MANILA, Philippines — Sinertipikahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent bill ang panukalang naglalayong lumikha ng Magna Carta para sa mga Pinoy seaman.
Sa isang pahinang liham ni Marcos kay Senate President Juan Miguel Zubiri, pinamamadali nito sa Kongreso ang pagpasa sa Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ang panukala ay ginawang urgent ng Pangulo matapos ang banta ng European Union na ipagbabawal ang pagkuha ng mga marinong Pinoy hangga’t hindi sumusunod ang Pilipinas sa kanilang pamantayan.
Ginagarantiyahan naman ng panukalang batas na tutugunan ang sinasabing kahinaan sa pagsasanay at edukasyon ng mga Pilipinong marino.
Nauna nang hinikayat ng EU ang gobyerno ng Pilipinas na sumunod sa Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for Seafarers Convention (STCW) kasabay ng babala na hindi kikilalanin ang sertipikasyon na ibinibigay sa mga seafarers kung hindi aaksyunan ang usapin.
Noong 2021 nang iulat na ang Pilipinas ang top source ng seafarers sa buong mundo.
Ayon naman sa Maritime Industry Authority (MARINA), higit 400,000 Pinoy seafarers overseas ang idineploy mula 2016 hanggang 2021.