Vog sa Taal, wala na – Phivolcs
MANILA, Philippines — Nakikita na ngayon ang Bulkang Taal sa Batangas dahil wala na ang vog na bumalot dito noong Huwebes at Biyernes.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, nawala na nitong sabado ng umaga ang vog na bumalot sa may Caldera ng bulkan makaraan din ang halos dalawang araw na zero visibility sa Taal.
Gayunman, sinabi ni Bacolcol na nananatiling banta ang pagkakaroon ng vog hanggat naglalabas ng asupre ang bulkan.
Kahapon, ang Taal ay nagluwa ng 2,730 tonelada ng asupre at may upwelling ng mainit na volcanic fluids mula sa Main Crater Lake na nagdulot ng vog.
Nagtala rin ang malakas na pagsingaw na may 1,800 metrong taas.
Bunsod nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa Taal Volcano Island (TVI) laluna sa Main Crater at Daang Kastila fissures at pamamalagi sa lawa ng Taal.
Pinagbabawal din ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dulot ng bantang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas
Nananatiling nasa alert level 1 ang Taal.
- Latest