MANILA, Philippines — Patay ang isang drug dealer na wanted sa batas dahil sa pagchop-chop sa isang babaeng negosyante habang 9 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) ang sugatan matapos na mauwi sa engkuwentro ang ikinasang arrest warrant operation sa Panamao, Sulu nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa ulat ni Col. Narciso Paragas, director ng Sulu Provincial Police, sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, patay ang target sa operasyon na si Muksidal Jumadil na may iba’t ibang kasong kriminal sa mga korte sa probinsya, kabilang ang “murder” at “illegal possession of firearms”.
Sinabi ni Paragas na isisilbi sana ang ilang warrant of arrest laban kay Jumadil sa kanyang lungga sa Brgy. Seit Higad, Panamao, ng magkasanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Sulu, Sulu Provincial Police Office, Panamao Municipal Police at 7th Special Action Battalion-SAF, nang salubungin sila ng mga putok ng M14 assault rifle ni Jumadil sanhi ng shootout.
Tumimbuwang si Jumadil sa gitna ng barilan at idineklarang dead-on-the-spot habang 9 na pulis-SAF kabilang ang tatlong opisyal ang nasugatan sa engkuwentro, ayon sa ulat ng 7th SAB.
Ang mga sugatang pulis ay kinilalang sina Capt. Nolie Agmaliw, Lt. Rico Apal, Lt. Earl Abdurajan III, Cpl. Reymir Subion, Cpl. Lindo Macua, Cpl. Oliver Alviar, Cpl. Andres Dalang, Patrolman Edison Ray Paris at Patrolman Lionel Suaverdes na agad nilalapatan na ng lunas sa pagamutan sa Jolo, Sulu.
Sa rekord, maliban sa kasong illegal possession of firearms, wanted si Jumadil sa brutal na pagpatay, ilang buwan pa lang ang nakakalipas, sa negosyanteng si Nurdija Damman Aminuddin na kanyang pinagputol-putol ang katawan saka ikinalat ang mga bahagi nito sa iba’t ibang lugar sa Barangay Kanmindus, Luuk, Sulu, dahil lang diumano sa simpleng hindi pagkakaunawaan.