MANILA, Philippines — Umaabot sa 30 mula sa 117 State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa ang tinapyasan ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng P5.768 trilyong national budget ng pamahalaan para sa taong 2024.
Sa deliberasyon ng panukalang pondo ng Commission on Higher Education (CHED) na umabot hanggang gabi nitong Huwebes, nagpahayag ng pagkadismaya ni 4Ps Partylist Rep. Jonathan Abalos sa pagtapyas ng pondo sa 30 SUCs.
Inihihirit ni Abalos na dagdagan ang pondo ng mga SUCs para mas marami pang mga estudyanteng mahihirap na kuwalipikado ang makinabang sa Free Tuition Fees at iginiit na iprayoridad ang mahihirap kumpara sa mga mayayaman.
Sa rekord ng CHED, nasa 60% ng mga estudyante sa mga SUCs ay nakaririwasa sa buhay at may kakayahan na magbayad ng tuition fees sa mga pribadong SUCs.
Sa naging tugon ni 1st District Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II, limitado lamang ang pondo para sa mga SUC kaya kinailangang magtapyas ng pondo.
Inihayag ni Matugas na nasa 27% ang pagbaba ng pondo na nagkakahalaga ng P 11.45 bilyon.
Pinuna ni Abalos na kung tumataas ang enrollment na nasa 1.85 milyong mga estudyante sa taong ito na lumobo sa 50,000 sa taong ito ay bakit malaki ang kaltas sa pondo. Noong nakalipas na school year ay nasa 1.8 milyon lamang ang mga enrollees.
Ipinaliwanag ni Matugas na kabilang din sa mga dahilan na ibinigay ng DBM ay natapos na ang capital outlay noong nakalipas na taon habang ang mga isinumite ngayong 2024 ay hindi pa kaagad na maiimplementa.