MANILA, Philippines — Walang babaguhing Standard Operating Procedures (SOP) ang Philippine Army pagdating sa paghawak ng mga nagbabalik-loob na mga rebelde.
Ayon kay Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, mula noon at ngayon, nananatili ang kanilang pinapairal na SOP at naging matagumpay.
Sa katunayan, libu-libong mga dating rebelde mula sa hanay ng New People’s Army (NPA) ang nagbalik-loob sa pamahalaan na naging matagumpay kung saan katuwang nila ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Local Government Units (LGUs) at iba pa
Nataon lamang at bumaliktad ang dalawang aktibista na sina Jhed Tamano at Jonila Castro at sinabing sila ay dinukot at hinaras ng militar.
Samantala, ayon naman kay National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Usec. Jun Torres, nagkaroon ng epekto ang ginawa ng dalawang aktibista kaya’t magkakaroon sila ng pagbabago sa pagsasapubliko ng mga sumusukong rebelde.
Una nang sinabi ng NTF-ELCAC na wrong move ang ginawa nilang pagpiprisinta sa mga aktibista sa publiko.
Sa pananalita pa lamang umano ni Jonila Castro makikita na napasakamay na ito ng New People’s Army (NPA).