MANILA, Philippines — Umaasa si Sen. Cynthia Villar na ang paggamit ng bamboo bilang textile ay malaki ang maitutulong sa local textile industry at sa pag-unlad sa kanayunan.
Sa kanyang pananalita sa “KAWAYARN: A Bamboo Textile Ph Launch” na idinaos sa Manila Hotel, tinagubilinan ni Villar ang PhilFida at DOST-Philippine Textile Research Institute (PTRI) na pangunahan ang pagpapalaganap sa kawayan dahil sa mahalaga nitong papel sa textile industry.
Tinukoy ni Villar na may 35% ang nakukuhang fiber sa bamboo kumpara sa ibang pinagkukunan ng fiber na mayroon lamang 2%.
Inihayag ng chairperson ng Senate committee on agriculture na maraming kawayan sa buong bansa kaya maganda itong pagkukunan ng textile fiber.
“The technologies are simple, deployable, and scalable. The machines can also be fabricated locally for more massive and extensive deployment,” giit ni Villar.
Ginagamit ang teknolohiyang ito sa natural extraction ng iba’t ibang uri ng kawayan sa Pilipinas gaya ng kawayan tinik, bolo at yellow bamboo.
Ang PTRI ay may tatlong Bamboo Textile Fiber (BTF) Innovation hubs sa Maragondon, Cavite; Naguillan, La Union at Cauayan, Isabela. Tatlo pa ang itatayo hanggang 2024 - isa sa bawat lugar gaya ng Abra, Bukidnon at Pangasinan.
Sinabi ni Villar na ginagamit ang bamboo fibers sa tela at home textile. Para sa non-wovens, gamit din ito sa paggawa ng bag at sapatos.
“The raw Bamboo Textile Fiber is priced at about P250 per kg., compared to about PHP10 per kg. of bamboo,” ani Villar.
Sanhi nito, nanawagan siya sa concerned government agencies na suportahan ang local fiber industry.