92 milyong balota para sa BSKE, tapos na

Ininspeksiyon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang naimprentang mga balota sa Comelec warehouse sa Sta. Rosa, Laguna kahapon bago ito ideploy bilang paghahanda sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa Oktubre 30, 2023.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Natapos nang iimprenta ng National Printing Office (NPO) ang higit sa 92 milyong balota na gagamitin sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na nasa kabuuang 92,054,974 opisyal na balota ang gagamitin sa halalan.

Itinurn-over na ng NPO sa Comelec nitong Huwebes ang certification of completion para sa pag-imprenta ng mga naturang balota, gayundin ang iba pang accountable forms para sa halalan.

Marso pa natapos ng NPO ang pag-imprenta ng higit sa 90 milyong balota. Nadagdag ngayon ang higit sa 1.6 milyon na balota dahil sa mga bagong rehistradong botante noong Disyembre 12, 2022 hanggang Enero 31, 2023.

Bukod dito, nakapag-imprenta na rin ang NPO ng 2,092,147 official ballots para sa plebisito upang ratipikahan ang conversion ng City of San Jose Del Monte, Bulacan bilang isang highly-urbanized city (HUC).

Magkasabay na isasagawa ang BSKE at plebesito sa San Jose Del Monte City sa Oktubre 30.

 

Show comments