259 kaso ng rabies, naitala
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 259 kaso ng rabies sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Setyembre 2, 2023.
Sinabi ng ahensya na mas mababa ang naturang bilang sa naitalagang kaso noong 2022 sa parehong panahon.
Ngunit sa nakalipas na anim na linggo, nakapagtala ng patuloy na pagtaas sa mga kaso makaraang makapag-ulat ng 29 na bagong kaso sa loob ng nakaraang apat na linggo.
Kabilang sa mga nakitaan ng pagtaas ng kaso ang National Capital Region, Regions I, III, IV-B, VII, IX, XII, at Caraga, na nag-ulat ng 1-3 kaso sa nakalipas na apat na linggo.
Nananawagan ang DOH sa publiko na kailangan ng tamang pagtugon sa sugat dulot ng kagat ng hayop ang solusyon para makaiwas sa rabies,habang kritikal din ang pagpapabakuna ng mga alagang hayop.
Sa oras na makagat ng hayop, iginiit ng DOH na napakaimportante na agad nang magtungo sa ospital o sa anumang bite centers at huwag nang ipagsawalang-bahala. Karamihan umano sa mga biktima ng rabies ay malala na kapag isinusugod sa pagamutan.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng libreng anti-rabies vaccination sa mga alagang aso at pusa ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Setyembre 28 sa iba’t ibang lugar sa siyudad. Kasabay ito ng selebrasyon ng International Anti-Rabies Day.
Kabilang sa mga lugar na isasagawa ang bakunahan ay sa: District 1 - Brgy 103 (Malunggay St. Blk. 3, Magsaysay Village, Tondo; District 2 - Brgy. 166-176 (Rotonda, Bulacan Street), Tondo; District 3 - Brgy. 339 (1645 Felix Huertas Street, Sta. Cruz); District 4 - Brgy. 540 (526 Blumentritt Street, Sampaloc);
District 5 - Brgy. 770 (Oro-B, Sta. Ana); at District 6 - Brgy. 598 (Old Sta. Mesa Street, Sta. Mesa).
- Latest