MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa panukalang 2024 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa isang pampublikong pagdinig sa Senado nitong Miyerkules.
Kaugnay nito, humingi si Go ng paglilinaw sa papel ng DSWD sa Malasakit Centers kasabay ng pagdidiin na dapat ay direktang makinabang ang mga Pilipinong nangangailangan sa epektibong paggamit ng pondo.
Ayon sa senador, mahalagang matiyak na ang budget na inilaan sa DSWD ay direktang mapupunta sa mahihirap na Pilipino.
Sa darating na 2024 fiscal year, ang DSWD ay nakatakdang makatanggap ng badyet na P207 bilyon, mas mataas kumpara sa P196.5 bilyong alokasyon nito noong 2023.
Dahil sa paglobo ng badyet na ito, ipinaalala ni Go sa DSWD na tugunan ang mga legal na mandato nito, kabilang ang nakasaad sa Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 na pangunahin niyang inakda at itinataguyod.
“According to the Malasakit Centers Act, the DOH (Department of Health), the DSWD, PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office), and PhilHealth shall have representatives in Malasakit Centers. Batas naman po ito. Inaprubahan po natin sa tulong ng mga kasamahan natin sa Kongreso at napirmahan po ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa ngayon, nakapag-provide na po ba tayo ng mga representatives sa 159 Malasakit Centers?” tanong ni Go.
Binigyang-diin ng senador na hindi na dapat mapahirapan ang mga pasyente sa paglapit sa mga ahensiya na umuubos ng oras at magastos para lang makahingi ng tulong medikal sa gobyerno.
Nangako naman si DSWD Sec. Rex Gatchalian na gagampanan nang buo ng ahensiya ang tungkulin nito sa Malasakit Centers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa ngayon ay may 159 Malasakit Centers na ang operational sa buong bansa na handang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente.
Iniulat naman ng Department of Health na ang programang Malasakit Center ay nakapagbigay na ng tulong sa mahigit 7 milyong Pilipino sa ngayon.