MANILA, Philippines — Para mapigilan ang overfishing at maprotektahan ang sektor nito, pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang fishing ban at iba pang pagbabawal sa ilang lugar sa bansa.
Sa pahayag ng Pangulo sa isang interview sa Zamboanga City, sinabi nito na kailangang bigyan ng tsansa ang populasyon ng mga isda para mas dumami pa para sa susunod na season nito ay mayroon pa.
Giit pa ni Marcos, hindi dapat ubusin ang isda at mayroon din mga lugar na hindi dapat gawing palaisdaan dahil ito ay para sa breeding para dumami ang populasyon ng mga isda.
Kaya ang plano umano ng Pangulo ay magkaroon ng fishing ban at iba pang mga pagbabawal sa ilang lugar sa bansa para tugunan ang overfishing at protektahan din ang sektor ng pangisda.
Sinabi naman ng Presidential Communications Office (PCO) na plano ng administrasyon na magkaroon ng mas marami pang cold storage facilities dahil hanggang 30% ng mga nahuhuling isda ay “degraded” o may damaged.
Habang doon umano sa mga malilit na bagsakan ay magbibigay ang gobyerno ng gawaan ng yelo na ilalagay sa bangka para hindi na masisira ang mga huli nilang isda.
Nauna na rin ipinag-utos ni Marcos noong Marso ang konstruksyon ng cold storage facilities sa mga port o daungan para hindi masira o mabulok ang mga nahuhuling isda ng mga magsasaka at hindi na umasa pa sa imports.