MANILA, Philippines — Para makontrol ng pagtaas sa presyo ng bigas, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madagdagan ang buffer stock ng bigas sa mga bodega ng National Food Authority (NFA).
Ito ang sinabi ni Marcos sa kanyang pamamahagi ng tinatayang 1,500 sako ng premium quality rice sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanyang pagbisita sa NFA-Region IX warehouse.
Sinabi ng Pangulo na ang mga ipinamahaging bigas ay bahagi ng 42,180 smuggled na sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon na nakumpiska ng mga otoridad sa ginawang raid sa isang warehouse sa Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City nitong Setyembre 15.
Ililipat din umano ang sako ng mga bigas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa distribusyon sa kanilang mga benepisyaryo sa rehiyon.
Si Marcos ang kasalukuyang pinuno ng Department of Agriculture (DA) ay nakipagpulong sa NFA council nitong Lunes habang itinatakda ang price range sa pagbili ng palay para mapataas ang kita ng local farmers.
Ayon pa sa Presidente, napagdesisyunan na ang bilihan ng dry palay ay P19 hanggang P23 habang ang wet palay ay P16-P19.