MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na kayang-kaya pa rin matikman ng mga Pilipino ang kanyang campaign promise noong 2022 elections — ang P20 kada kilong bigas.
Sinabi ito ni Bongbong, Martes, matapos mamahagi ng 1,500 sako ng primera klaseng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pagbisita niya sa National Food Authority (NFA)-Region IX warehouse sa Zamboanga City.
Related Stories
"May chance lagi ‘yan," sagot niya kanina nang matanong ng media kung may tiyansa pa itong maisakatuparan.
"[K]ung maayos natin ang production natin at maging maayos, hindi na tayo masyadong bagyuhin at ‘yung mga tulong na ibinibigay natin sa mga farmer ay magamit na nila."
Sinabi ito ni Marcos Jr. kahit na una nang sinabi ni Agriculture Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations Mercidita Sombilla na "mahirap mangyari sa susunod na taon ang P20/kilong bigas." Ito'y kahit na si Bongbong ang kalihim ng Department of Agriculture.
Paliwanag ng presidente, maraming salik ang naglalaro sa labas ng Pilipinas na siyang direktang nakaaapekto sa presyo ng mga bilihin sa bansa, dahilan para kailanganing mag-adjust ang gobyerno at merkado.
Dagdag pa niya, madali naman na raw magsagawa ng mga karagdagang aksyon oras na "magnormalisa ang lahat."
"Ngunit, kapag talaga nagawa natin ang cost of production binaba natin ay bababa rin ang presyo ng bigas. Bababa rin lahat. Basta’t mas mataas ang ani kahit na pwede nating ipagpantay ang presyo,” dagdag pa ng pangulo.
"So, pagka naging mas normal na ang sitwasyon, malaking pag-asa talaga natin na ibababa natin ang presyo ng bigas."
Lunes lang nang aprubahan ni Marcos ang bagong price range sa bentahan ng palay: P16 - P19 para sa "wet palay" habang P19 - P23 naman ang "dry palay."
Kamakailan lang nang magpatupad siya ng P41/kilong price ceiling para sa regular milled rice at P45/kilo para sa well-milled rice.
Nangyari ito matapos biglaang sumirit ang presyo ng bigas nitong Agosto, panahon kung kailan lumobo sa 5.3% ang inflation rate sanhi ng mabilis na pagmamahal ng presyo ng pagkain.