MANILA, Philippines — Halos kalahati o 46% ng mga adult Filipino ang naniniwala na hindi lalago ang ekonomiya ng bansa sa susunod na anim na buwan.
Ayon sa resulta ng Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey ng OCTA Research, nasa 43% ng mga Filipino ang naniniwala na mananatili ang antas ng ekonomiya, habang anim na porsyento ang nagsasabi na lalo pa itong lulubha.
Sa mga Pinoy na naniniwalang lulubha pa ang ekonomiya, nasa 2% nito ang nasa Balanced Luzon at 11% sa Visayas.
Ayon sa OCTA, nananatili ang “pessimism” o pagiging negatibo sa ekonomiya at kalidad ng buhay sa ikalawang quarter ng taon.
Ngunit sa naturang survey din, mayorya pa rin ng mga Filipino ang naniniwala naman na gaganda ang kanilang pamumuhay sa susunod na amin na buwan.
“About 55% of adult Filipinos believe that their quality of life will improve over the next six months,” saad ng survey.
Pero 36% ang nagsasabi na mananatili ang kanilang uri ng pamumuhay, habang apat na porsyento ang naniniwala na lulubha pa ito.
“Notably, there is a relatively lower percentage of adult Filipinos in Visayas (46%) who think that their quality of life will improve over the next six months compared to other major areas,” ayon pa sa OCTA.
Isinagawa ang survey mula Hulyo 22-26, gamit ang “face-to-face interviews” sa 1,200 respondents na edad 18-pataas sa buong bansa.