Corals sa Rozul reef nilimas ng China - AFP
MANILA, Philippines — Nilimas ang mga corals sa Rozul Reef sa West Philippine Sea na hinihinalang kagagawan ng China ang malawakang pag-harvest sa pinagtatalunang teritoryo.
Kinumpirma ni AFP-Western Command (Westcom) Commander Vice Admiral Alberto Carlos ang talamak na pangunguha ng mga corals sa Rozul reef.
Sinabi ni Carlos na nagpadala ito ng mga divers matapos umalis ng Chinese military militia vessels sa nasabing lugar.
“Yung swarming areas nila we pinpointed it. And when they left we send our divers to do underwater survey,“ pahayag ni Carlos.
Ayon sa opisyal sa isinagawang underwater survey, tumambad sa AFP ang kalunos-lunos na sinapit sa pagkasira ng mga coral.
“Nakita namin wala na ‘yung mga corals. Nasira na ‘yung mga corals and may debris,” pahayag ni Carlos na sinabing hinihinala nilang ang mga Chinese na nagiging agresibo sa West Philippine Sea ang may kagagawan nito.
“We are coordinating with scientists, experts to do their assessment of the area,” saad ng opisyal sa ‘Saturday News Forum“ sa Quezon City na nanlumo sa insidente dahil ang mga corals ay malaki ang maitutulong sa pagtiyak sa food security.
Ang Rozul Reef ay kilala rin bilang Iroquios Reef ay nasasaklaw ng 200 nautical miles ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at ng continental shelf kung saan dahil dito ay may higit na karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng paggalugad, pag-exploit at pangasiwaan ang mga resources sa nasabing lugar.
Una nang na-detect ng mga air assets ng AFP ang presensya ng 23 hinihinalang fishing vessels ng China sa Rozul Reef noong nakalipas na Setyembre 6-7. Bukod dito ay may lima pang Chinese vessels ang umaaligid sa Escoda (Sabina) Shoal at dalawa pa sa Baragatan (Nares) Bank.
Samantalang nagpahayag din ng pagkabahala ng Wescom sa tumataas na ‘swarming activity’ ng China sa WPS.
- Latest