COA report sa ginastos, inutang sa pagbili ng COVID-19 vaccines hanap ng Senado
MANILA, Philippines — Dapat mabigyan na ang Senado ng kopya ng Commission on Audit (COA) ng kumpletong audit report tungkol sa mga ginastos at inutang ng gobyerno para sa pambili ng mga bakuna kontra sa COVID-19.
Sinabi ni Senador Francis “Chiz” Escudero na walang dahilan para hindi ito maibigay dahil halos isang taon na mula nang hiningi niya ito sa COA.
Matatandaan na Nobyembre 2022 nang hanapin ni Escudero sa plenary debate ng pambansang pondo ang audit report.
Paliwanag noon ng COA na hindi sila makapag-audit dahil hindi sila makakuha ng kopya ng mga dokumento at mga impormasyon sa Department of Health (DOH) dahil sa katwiran na non-disclosure agreement (NDA) dahil nakipagkasundo ang gobyerno sa mga vaccine supplier o manufacturer na gagawin confidential ang presyo at iba pang impormasyon tungkol sa bakuna.
Iginiit naman noon ng Senador na hindi sakop ng NDA ang COA at hindi maaaring hindi busisiin ang mga gastos at mga inutang dito.
Nangako noon ang COA naaaksyon at makikiisa naman umano ang DOH, subalit hanggang ngayon ayon kay Escudero ay wala pa silang natatanggap na report.
- Latest