LPA malapit sa Batanes lalabas ng PAR bukas; Habagat magpapaulan — PAGASA
MANILA, Philippines — Bahagyang lumapit sa isla ng Batanes ang isang low pressure area na palabas na ng Philippine area of responsibility — pero posibleng maging masungit pa rin ang panahon bunsod ng Hanging Habagat.
Bandang 4 a.m. ngayong Biyernes nang mamataan ang sama ng panahon 405 hilaga hilagangsilangan ng Itbayat, Batanes, ayon sa huling taya ng PAGASA.
"Kasalukuyan, maulat ang kalangitan sa malaking bahagi ng bansa dahil pa rin sa Habagat o Southwest Monsoon," wika ni PAGASA meteorologist Aldczar Aurelio ngayong umaga.
"'Yung low pressure area na binabantayan ho natin ay bahagya hong kumilos sa Taiwan at Batanes area," dagdag niya.
Mababa pa rin ang tiyansang magiging bagyo ito sa ngayon habang tinatayang makalalabas ng PAR ang naturang LPA sa loob ng 24 oras.
Dahil naman sa Habagat, makaaasa ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa mga sumusunod na lugar ngayon araw:
- Bataan
- Zambales
- Occidental Mindoro
- Palawan
- Western Visayas
- Zamboanga Peninsula
- Northern Mindanao
"Samantala, 'yung nalalabing bahagi po ng Luzon, kasama ang Metro Manila, ay inaasahan po natin ang maganda at maaliwalas ang panahon kung saan halos buong araw [ay] bahagyang maulat ang kalangitan pero may tiyansa pa rin ng mga isolated na pag-ulan," ani Aurelio.
"'Yung nalalabi pong bahagi ng Visayas at nalalabing bahagi ng Mindanao, fair weather po tayo exept po itong mga isolated na pag-ulan." — James Relativo
- Latest