2nd round ng fuel subsidy pinaplantsa ng LTFRB
MANILA, Philippines — Pag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung kailangan pa ng ikalawang yugto ng fuel subsidy para sa mga PUV operators at drivers na apektado ng walang prenong oil price hike.
Ito ang sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz kung hahaba pa ang panahon ng patuloy na oil price hike sa bansa.
Anya, ramdam niya ang nararanasang epekto sa mga PUVs ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng petrolyo kaya’t kung maging sukdulan na ay bubusisiin ang pagkakaroon ng ikalawang round ng pagkalaloob ng fuel subsidy sa mga operator at driver ng mga pampasaherong sasakyan.
Noong Lunes ay nagsimula ang LTFRB sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga PUVs.
May 1.36 milyon operators at drivers ang benepisyaryo ng subsidiya.
Sa bilang na ito nasa 280,000 unit ng PUVs ang makikinabang sa programa habang 930,000 ang tricycle at 150,000 ang mga delivery service.
Binigyang diin Guadiz na bukod sa fuel subsidy, pinag-aaralan din ng ahensya ang mga hirit sa taas pasahe ng transportation groups dahil na rin sa tuluy-tuloy pa ring pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Kabilang na rito anya ang provisional o pansamantalang taas pasahe sa jeep na malaki aniya ang posibilidad na maaprubahan.
Sinabi ni Guadiz, kokonsultahin pa nito ang National Economic and Development Authority sa pinal na halaga ng provisional hike at kung kailan ito dapat ipatupad.
Anya, takdang mag-convene ang LTFRB board sa darating na ?September 25 para dinggin ang iba’t ibang fare hike petition.
- Latest