MANILA, Philippines — May personal birthday "wish" ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas para sa ika-66 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Miyerkules — ang pag-alis niya sa Department of Agriculture at pagtatalaga ng permanenteng secretary.
Kasalukuyan pa rin kasing tumatayong kalihim si Bongbong ng DA habang nakaupo bilang presidente, bagay na kanyang ginawa raw upang "tugunan ang krisis sa pagkain." Kaso, hindi naman daw ito natupad.
Related Stories
"Lampas isang taon na siya sa DA at nakita natin ang masamang resulta. Hindi naayos kundi lalo pang lumala ang sitwasyon ng agrikultura. Hindi bumaba sa [P20/kilo ang] bigas, umabot pa sa P50 hanggang P60," banggit ni KMP chairperson emeritus Rafael Mariano.
"Walang ayuda sa mga magsasaka at mangingisda at patuloy pa ang labis-labis na importasyon. Kaya sana makinig ang Pangulo at bumaba na siya bilang Kalihim ng Department of Agriculture."
Matatandaang lumobo sa 5.3% ang inflation rate nitong Agosto dahil sa biglaan pagbilis ng presyo ng bilihin, bagay na primaryang naapektuhan ng bentahan ng pagkain.
Ito rin ang panahon kung kailan biglang sumirit ang presyo ng bigas sa merkado, dahilan para imungkahi ng Department of Trade and Industry na mag-mais o kamote na lang ang publiko.
Napilitan tuloy si Marcos magpatupad ng P41/kilo at P45/kilong "price ceiling" sa regular milled rice at well-milled rice, bagay na malayo sa P20/kilong pangako niya habang kumakandidato pa sa pagkapresidente.
"Walang pag-asa ang agrikultura kay Marcos Jr. Lalo lang malulubog sa mga problema at krisis ang mga magsasaka at lalong magugutom ang mamamayan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na hindi nagbibigay ng makabuluhang solusyon sa agrikultura," dagdag ni Mariano.
BBM: Sana umokey na agrikultura
Martes lang nang sabihin ni Marcos na isa lang ang hiling niya sa kanyang kaarawan: ang maging maayos na ang agrikultura ng bansa.
Ito ang kanyang sinabi matapos kapanayamin ng sa aktibidad ng Department of Agrarian Reform.
"Naku. Maging maayos na ang agrikultura. At malaman na natin kung ano ba talaga ang weather, wet season ba o dry season para naman matulungan natin ‘yung mga farmer natin," sabi ng presidente.
"‘Yun lamang naman ang aking panalangin pa rin hanggang ngayon."
Matatandaang ibinalik noon ni Marcos ang mga Kadiwa stores para makapagbenta ng mas murang produktong agrikultural sa publiko. Gayunpaman, kaonti lang ito kumpara sa bilang ng mga palengke sa bansa.
Napupuna rin ang ilang beses nang polisiya ni Marcos ng importasyon ng gulay at pagkain, bagay na nakakaapekto raw sa lokal na mga magsasaka sabi ng mga progresibong grupo.
'Palpak na nga, puro pa biyahe'
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority nitong Agosto, lumalabas na lumiit ng 1.3% patungong P427.69 bilyon ang halaga ng produksyon sa agrikultura at pangingisda noong Abril hanggang Hunyo kung constant ito sa 2018 prices.
Mas malala ito sa 0.5% na contraction noong isang taon, bagay na nagbabalewala sa 2.1% growth noong unang kwarto ng 2023.
Kasalukuyang nasa Singapore si Marcos Jr. para sa ASEAN Summit para manuod ng F1 race, bagay na ginawa niya rin noong nakaraang taon matapos hagupitin ng Typhoon Karding ang Pilipinas.
"Nakuha pa ng Pangulo na magliwaliw at maglamyerda habang nasa gitna ng krisis ang bansa. Lalong napatunayan na wala siyang pakialam at pakiramdam para sa ordinaryong mamamayan na nahihiraoan dahil sa mga taas-presyo," banggit ni Mariano.
"Pera ng taumbayan ang ginagastos ng Pangulo sa mga lakad niya sa ibang bansa at nakakapanghinayang makita na winawaldas ito sa mga junket ng mga taga Malakanyang at iba pang opisyal ng gobyerno."