MANILA, Philippines — Inabswelto ng korte ang chief executive officer ng media outfit na Rappler na si Maria Ressa sa kanyang huling tax evasion charge — ang pinakabago sa serye ng patung-patong na kaso laban sa mamamahayag.
Ito na ang ika-limang kaso ng tax evasion laban sa beteranang journo at sa Rappler dahil sa 2015 sale ng Philippine depositary reciepts (PDR) sa US-based Omidyar Network.
"You gotta have faith," sabi niya sa mga reporter sa labas ng korte matapos ma-acquit ngayong Martes.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, tanging mga Filipino lang o kumpanyang kontrolado ng mga mamamayan nito ang maaaring mamuhunan sa mass media.
Una nang inilipat ng Omidyar Network ang investment sa Rappler sa local managers nito upang mapigilan ang mga tangka diumano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ang kumpanya.
Matatandaang hinamon noon ng Philippine Securities and Exchange Commission ang Rappler na magsara matapos diumano labagin ang "ban" sa foreign media ownership.
Enero lang nang iabswelto rin sila ng korte sa apat pang kaso. Gayunpaman, humaharap pa rin sina Ressa ng dalawa pang reklamo sa korte.
Pagsikil sa kalayaang mamahayag?
Kilalang kritiko ng madugong gera kontra droga ni Duterte si Ressa, dahilan para igiit nilang "politically motivated" ang mga kaso laban sa kanya at ang Rappler.
Matatandaang madalas ang pag-atake noon ni Digong sa kanyang mga kritiko, kabilang na ang sari-saring media outfits.
Sa kabila nito, naninindigan ang dating administrasyon na "wala" itong kinalaman sa mga kaso laban sa 59-ayos na Nobel Peace Prize laureate.
Una nang sinabi ng ilang press freedom advocates na parte lang ito serye ng criminal charges, arrests at online abuse — bagay na hinarap din nang iba pang media companies.
Bago magtapos ang administrasyong Duterte, matatandaang tinanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN, ang pinakamalaking istasyon ng telebisyon sa Pilipinas. Nawalan din ng access ang mga Pilipino sa alternative news sites na Bulatlat at PinoyWeekly.
Kasalukuyan pang inaapela ni Ressa at ng dating katrabahong si Rey Santo Jr. ang isang cyber libel conviction na maaaring maglagay sa kanila sa bilangguan ng halos pitong taon.
Nasa labas siya ng kulungan matapos maghain ng piyansa. Kinakailangan ng pagsang-ayon ng korte bago siya makalipad abroad gaya na lang noong Disyembre 2021 Norway trip niya para tanggapin ang Nobel Peace Prize para sa pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag. — may mga ulat mula sa Agence France-Presse