MANILA, Philippines — Nakatakda nang simulan ng pamahalaan ngayong linggong ito ang pamamahagi ng fuel subsidies para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers na apektado ng serye nang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo nitong nakalipas na siyam na linggo.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, target nilang masimulan ang distribusyon ng P3 bilyong fuel subsidy para sa 1.36 milyong PUV drivers sa bansa sa susunod na dalawang araw.
Tiniyak ni Bautista na pinakamatagal na ang Setyembre 15, Biyernes, upang masimulan ang naturang distribusyon.
Ipapamahagi ang subsidiya sa may 6,000 Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ) operators; 150,000 public utility jeepney (PUJ) drivers at operators; 500 Modernized Utility Vehicle Express (MUVE) operators; 20,000 utility van express operators; 930,000 tricycle drivers at operators; 150,000 food delivery riders; at iba pa.
Una nang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na ang drivers ng MPUJ at MUVE ay tatanggap ng tig-P10,000 habang tig-P6,500 sa mga tsuper ng mga tradisyunal na PUJ at UVE, gayundin ng mga Public Utility Buses (PUB), mini buses, taxi, Shuttle Services Taxis, Transport Network Vehicle Services (TNVS), Tourist Transport Services, School Transport Services at Filcabs.
Ang mga tricycle drivers ay tatanggap din ng tig-P1,000 habang ang mga driver ng delivery services ay tig-P1,200.