MANILA, Philippines — Mistulang naging fashion na umano ang talamak na korapsyon sa mga ahensiya ng gobyerno na ikinokonsiderang ang pera ay kapangyarihan.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa panukalang P5.05 bilyong pondo ng ahensiya para sa 2024, lubhang nakakalungkot na marami sa mga opisyal ng gobyerno ang sangkot sa korapsiyon dahil itinuturing ng mga itong fashion kapag mapera at sagisag din ito ng kapangyarihan.
Ang Office of the Ombudsman ang nag-iimbestiga sa mga kaso ng graft and corruption laban sa mga inirereklamong opisyal ng gobyerno.
Aminado si Martires na mahirap sugpuin ang korapsyon at hindi ito kakayanin ng anumang batas na maaring likhain sa Kongreso at sa kaniyang pagtaya ay panghabambuhay na ito kung hindi magiging maka-Diyos na may magandang kaugalian ang mga kabataan na malaki ang potensiyal na maging susunod na lider ng bansa.
Samantala, ipinasusuri rin ni Martires sa mga Kongresista ang posibilidad na ipabuwag na ang Procurement Service-Deparment of Budget and Management (PS-DBM) matapos itong pag-ugatan ng korapsyon sa panahon ng nakalipas na administrasyon.
Tinukoy ni Martires ang pagkakasangkot ng mga opisyal ng PS-DBM sa Pharmally mess sa pagbili ng overpriced Personal Protective Equipments (PPEs) sa kasagsagan ng COVID pandemic.