MANILA, Philippines — Susundin ng rice retailers ang rice price cap ng pamahalaan sa loob ng isang linggo at makaraan nito ay saka magdedesisyon kung ano ang susunod nilang aksyon.
Ayon kay James Magbanua, national president ng Grains Retailers Confederation of the Philippines (GRECON), positibo ang reaksyon ng mga retailers sa kautusan pero susundin nila ito sa loob ng isang linggo at kung hindi kakayanin makaraan nito ay saka ihahayag sa pamahalaan kung hanggang saan lamang ang kanilang makakaya kaugnay ng kautusan.
Sinabi naman ni Orly Manuntag, co-founder ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement at national spokesman ng GRECON, na ang isang retailer ay mawawalan ng halos P49,000 halaga sa isang linggo lamang na pagtupad sa rice price cap.
Suportado si Magbanua sa posisyon ni Manuntag dahil ang isang retailer ay mawawalan ng P5 kada kilo sa naibebentang well-milled rice na may halagang P45 per kilo.
Anya, ang rice retailers ay magsasagawa ng monitoring sa aktuwal na nangyayari sa mga pamilihan bago sila magpulong ng hanay ng mga retailers kaugnay ng epekto ng rice price cap.
Ang rice price cap ay inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang epektong dulot sa mamamayan ng mataas na presyo ng bigas.
Kahapon ay sinimulan na ng pamahalaan ang pagkakaloob ng P15,000 halaga ng cash aid sa bawat retailers na apektado ng naturang kautusan.