Walang trabaho umakyat sa 2.27-M sa Pilipinas; Bikol no. 1 sa unemployment

Workers push a trolley loaded with imported onions for delivery to stores in the Divisoria district of Manila on January 26, 2023. The Philippines’ economic growth beat expectations last year, fuelled by strong consumer spending despite rising consumer prices, officials said on January 26.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Tumalon patungong 4.8% ang kawalang trabaho sa Pilipinas nitong nagdaang Hulyo kasabay na pagbaba ng "kaledad" ng trabaho sa bansa, ayon sa huling ulat ng Philippine Statistics Authority ngayong Biyernes. 

Mas mataas 'yan kumpara sa naitalang 4.5% unemployment rate noong Abril.

"In July 2023, the country’s unemployment rate decreased to 4.8% from 5.2% in the same month last year," sabi ng PSA sa isang pahayag ngayong araw.

"In terms of level, the number of unemployed in July 2023 was estimated at 2.27 million, posting a decline of 329 thousand from the 2.60 million reported in July 2022."

Kasabay nito, inilabas din sa naturang July 2023 Labor Force Survey ang mga sumusunod na datos:

  • employment rate: 95.2%
  • labor force participation rate: 60.1%
  • labor force: 46.9 milyon
  • underemployment rate: 15.9%
  • underemployed: 7.1 milyon

Kapansin-pansing tumaas din ang bilang at porsyento ng underemployed sa naturang buwan, kumpara sa 12.9% noong Abril.

Tumutukoy ang mga underemployed sa mga taong naghahanap ng dagdag na oras sa trabaho o 'di kaya'y karagdagang trabaho.

Madalas itong mangyari sa tuwing naghahanap ng karagdagang mapagkakakitaan ang mga manggagawa't empleyado, lalo na kung hindi sapat ang sahod o sweldong natatanggap.

"This [underemployment] was higher than the reported rate in July 2022 (13.8%) and April 2023 (12.9%)," paliwanag pa ng PSA.

Dumulas din pababa ang labor force participation rate noong Hulyo, na siyang nasa 65.2% noong Hulyo 2022 at 65.1% noong Abril 2023.

Tumaas din patungong 42.3 oras kada linggo ang pagtratrabaho ng mga Pinoy kada linggo sa naturang buwan. Ito'y kahit na 40 oras lang ito kung walong oras magtratrabaho ng limang araw.

Bikol pinakamataas unemployment

Sahurang manggagawa ang sinasabing pinakamalaking bahagi ng employed sa 67.2%, bagay na sinundan ng mga self-employed na walang empleyado sa 25.2% at unpaid family workers sa 4.5%. Pinakamaliit dito ang mga employer sa family-operated farms o businesses sa 3.1%.

Pito sa 17 rehiyon ang nakapagtala ng mas mataas na unemployment rate kumpara sa national rate:

  • Bicol Region: 6.2%
  • CALABARON: 5.9%
  • Central Visayas: 5.5%
  • Northern Mindanao: 5.4%
  • Eastern Visayas: 5.1%
  • Caraga: 5.1%
  • National Capital Region: 4.9%

'Walang programa sa paglika ng trabaho'

Ayon sa Kilusang Mayo Uno, isang grupo ng progresibong manggagawa, ipinapakita lang ng pagtaas ng unemployed ang "kawalan ng maayos na programa ng administrasyon para lumikha ng disente, regular at dekalidad na mga trabaho."

"Walang naibibigay na oportunidad sa mga bagong pasok sa labor force. Kung may nadaragdag mang trabaho, pawang nasa informal, mga di-istable at panandaliang employment," ani Jerome Adonis, secretary general ng KMU.

"Ang dami nating inuutang sa ibang bansa, pero di nagtatranslate sa pagpapalakas ng lokal na industriya."

Nakakadismaya rin aniya na kinakaltasan pa ng P7 bilyon ang budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) mula sa nagdaang taon.

Kabalintunaan din daw na mabilis ang paglawak ngayon ng yaman ng mga negosyante habang ibinabandera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagprotekta sa labor sector.

Natataon ang lahat ng ito ngayong bumilis rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa ilalim ni Bongbong.

Matatandaang nagpatupad ng price ceiling kamakailan ang presidente upang kontrolin ang presyo ng bigas na ibinebenta sa merkado upang matiyak na abot-kaya ito nang marami.

Show comments