MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni House Speaker Ferdinand Romualdez na bahagyang naapektuhan ang presyo ng bigas sa world market matapos pirmahan noong biyernes ni pangulong Marcos ang Executive Order 39 na nagtatakda sa presyo ng bigas sa bansa.
Batay sa US-based company na Markets Insider, bumaba ng 21% ang presyo ng bigas sa pandaigdigang kalakalan mula $384 per metric ton noong Hulyo at ngayon ay nasa $332.4 sa bawat metrikong tonelada na lang.
Ayon kay Romualdez, “timing at effective” ang EO ni Pangulong Marcos dahil nakaapekto ito sa mataas na presyo ng bigas ngayon sa world market.
Ani Romualdez, posibleng kinansela ng mga Filipino importers at traders ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa dahil nagmura na ang presyo nito sa lokal na merkado.
“Siguro nung kinansel na nila (mga importers at traders) ang mga orders, biglang dumami tuloy ang stock sa abroad ng bigas”, ani Romualdez.
Sinabi pa ni Romualdez na halata na artificial ang pagsirit ng presyo ng bigas sa mga palengke dahil sa pagtatago ng mga bigas sa bodega nang isagawa ang inspeksiyon.
Dagdag pa ng mambabatas mula Leyte na ang rice price cap ang tanging susi pala para pigilan ang price manipulation at hoarding ng bigas sa bansa na naging senyales naman sa world market.