MANILA, Philippines — Hindi pa rin ba nakaka-enrol ang anak mo kahit nagsimula na ang pasukan? Pwedeng-pwede pa humabol hanggang ika-30 ng Setyembre para sa School Year 2023-2024, ayon sa Department of Education (DepEd).
Ito ang ibinahagi ni Education Deputy Spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas sa Viber message sa reporters nitong Miyerkules habang kumpiiyansang maaabot ang 28.8 milyong target ngayong taon.
"Yes we are on course naman. We will be looking at a final number considering the variance between grade 12 who graduated and incoming kindergarten among others," paliwanag ni Bringas.
"Pwede pa this month... Public, private, [local universities and colleges], [state universities and colleges], [alternative learning system]."
Wika pa ni Bringas, ito ang planong gawin ng gobyerno lalo na't sunod-sunod ang pagkakantala dahil sa bagyo.
Kamakailan lang nang makalabas ng Philippine area of responsibility ang Super Typhoon Goring, Typhoon Hanna at Tropical Depression Ineng, na siyang nakaapekto na sa 907,636 katao mula Luzon hanggang Visayas.
Kulang pa ang enrolees
Gumagalaw pa naman sa ngayon ang enrollment numbers habang patuloy na ina-update ng mga paaralan ang kanilang Learner Information System o LIS.
"Once 100% of schools have reported Mag close na and we will have the official number for this schoolyear," saad pa ni Bringas.
Una nang sinabi ng DepEd na kulang pa ng 3 milyon bago maabot ang kanilang target ngayong nasa 25,890,617 pa lang ang nakakapagpalista sa mga pampubliko't pribadong paaralan, SUCs at LUCs.
Calabarzon ang sinasabing may pinakamaraming estudyante sa bilang na 3.8 milyon, bagay na sinundan ng Central Luzon (2.8 milyon) at National Capital Region (2.6 milyon). — may mga ulat mula kay Cristina Chi