'Family living wage' sa Metro Manila sumipa sa P1,164 kada araw — IBON
MANILA, Philippines — Kinakailangang kumita ng P1,164 kada araw ang pamilyang Pilipinong may limang miyembro upang mabuhay nang "disente," bagay na tumaas ngayong sumipa rin ang inflation rate dulot ng presyo ng pagkain.
Ito ang iniulat ng economic think tank na IBON Foundation isang araw matapos umakyat sa 5.3% ang inflation rate nitong Agosto.
"A family of five in [National Capital Region] should recieve a wage of Php 1,178/day or Php 23,628/month in order to live decently," wika ng grupo nitong Martes.
Malayong-malayo pa rin ito kumpara sa P610 na minimum wage sa NCR, bagay na ipinatupad noong ika-16 ng Hulyo.
Ito ang pinakamataas na sahod sa buong Pilipinas. Mas maliit ang minimum na sinasahod ng mga Pinoy labas sa Metro Manila.
Inestima sa naturang FLW ang mga pang-araw-araw na gastusin gaya ng:
- pagkain
- upa sa bahay
- tubig, kuryente, gas
- iba't ibang serbisyo
- transportasyon
- komunikasyon
- kalusugan
- damit
- edukasyon
- nakalalasing na inumin
- special family occassions
- recreation and culture
- savings
- atbp.
Ang computation ng IBON ay hinalaw mula sa National Wages and Productivity Commision, Philippine Statistics Authority 2018 Family Income and Expenditures Survey at August 2023 Inflation Report.
"The pockets of workers, producers, and ordinary households will keep hurting as long as only token wage hikes and token price controls are implemented," dagdag pa ng IBON.
Tinutukoy ng organisasyon ang "price ceiling" na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa regular milled rice (P41/kilo) at well-milled rice (P45/kilo).
Lagpas kalahati ang pareho kumpara sa ipinangako niyang P20/kilong bigas habang kumakandidato pa sa pagkapresidente noong 2022 national elections.
Maliban sa pagkain, una nang naitala ng PSA ang transportasyon bilang isa sa mga gastusing pinakamabilis sa pagtaas noong Agosto.
Matatandaang inanunsyo ng Department of Transportation na magtataas ng singil sa pasahe ng LRT-1 at LRT-2, bagay na naging epektibo noong ika-2 ng Agosto. — James Relativo
- Latest