MANILA, Philippines — Umabot na sa 387,242 ang bilang ng mga taong nasalanta ng malakas na pag-ulan dahil sa Super Typhoon Goring at pinatindi nitong hanging habagat.
Ayon ito sa ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Biyernes, kung saan binanggit na 106,677 ang bilang ng mga pamilyang apektado ng Super Typhoon.
Naitala rin ang sumusunod:
- Lumikas: 11,244
- Nasa loob ng evacuation centers: 5,152
- Nasa labas ng evacuation centers: 6,092
Ang mga naitalang apektadong populasyon ay nagmula sa mga sumusunod na rehiyon:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Western Visayas
- Cordillera Administrative Region
Mapapansin na mas mababa na ang bilang ng mga lumikas kung ikukumpara sa mga nakaraang araw kung saan umabot ang mga nabanggit sa 48,997.
Sa kabila nito, halos dumoble naman ang bilang ng mga apektadong residente at pamilya mula sa naitalang 196,926 na tao mula sa 56,410 na pamilya kahapon.
May naitala ring pagkamatay dulot ng malakas na bagyo mula sa Western Visayas.
Sa patuloy na pag-ulan sa iba’t ibang rehiyon, umabot na rin sa P395,246,593.6 ang halaga ng pinsalang dulot nito sa agrikultura ng Cagayan Valley, Central Luzon, at Western Visayas.
Nagdeklera na ng state of calamity ang Lungsod ng Bacolod dahil sa matinding pagbaha dito.
Ayon din sa NDRRMC, umabot na sa P16,498,997.16 ang mga ayudang ibinigay sa mga nasalanta sa Ilocos Region, Cagayan Valley. Central Luzon, MIMAROPA, Western Visayas at Cordillera Administrative Region. — intern Matthew Gabriel