MANILA, Philippines — Pinapaimbestigahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Pia Cayetano ang nag-viral na road rage incident na kinasangkutan ng isang retired police at isang siklista sa Quezon City.
Inihain nina Zubiri at Cayetano ang Senate Resolution 763 kung saan inaatasan ang angkop na komite sa Senado na siyasatin ang nangyaring insidente na pagkasa ng baril ng isang retired police officer na si Wilfredo Gonzales sa isang siklista matapos itong makagitgitan sa kalsada.
Nakasaad sa resolusyon ang na-i-post na video sa online kung saan ipinakita ang paglabas ni Gonzales sa kanyang kotse at galit na kinompronta ang siklista.
Nasagi umano ng siklista ang sasakyan ni Gonzales na nasa bike lane nang bigla itong huminto.
Sa video ay makikita rin ang paghampas ni Gonzales sa helmet ng cyclist na sinundan ng paghugot at pagkasa nito ng kanyang baril habang nasa gitna ng pagtatalo.
Ang insidente ay nangyari noon pang August 8 subalit lumabas at kumalat lang ang viral road rage video nito lang August 27.
Bukod dito, taliwas sa sinabi ni Gonzales sa presscon na nagkasundo na sila ng siklista, lumabas na pinilit ang cyclist na lagdaan settlement agreement kay Gonzales at pinagbayad pa ito ng P500 para sa damage ng sasakyan.
Binigyang-diin sa resolusyon na seryosong kaso ang nangyaring insidente na may kaugnayan sa ating public order and safety kaya hindi ito dapat basta basta maaayos lang at maisasantabi ang isyu.