Jemboy binaril na ng mga pulis bago nakatalon sa ilog - witness

MANILA, Philippines — Ibinunyag sa Senado ng witness na si alyas Sonny Boy na may tama na ng bala ang kaibigan niyang si Jemboy Baltazar bago pa man ito makatalon sa tubig dahil nakita niya ang mga bakas ng dugo sa kanilang sinasakyan.

Sa ikatlong araw ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa isinalaysay din ni Sonny Boy sa pamamagitan ng pagdalo virtually na, habang hindi pa narerekober ang bangkay ni Jemboy sa ilog ay pinosasan siya ng mga pulis. Habang nasa presinto at pinapag-identify ng holdaper sa mga litrato ay may mga sibilyan na sumuntok sa kanya ng tatlong beses.

Sinaktan din umano siya at pinag-imbento ng salaysay ng mga pulis-Navotas laban sa napatay na kaibigan.

Sinabihan din umano si Sonny Boy ng team leader ng operasyon na si PCapt. Mark Joseph Carpio na sabihin na may baril at droga si Jemboy para sa kapakanan ng mga pulis at hindi maalis sa serbisyo.

Mariin naman itong itinanggi ni Carpio sa gitna ng pagdinig.

Nagbigay din umano siya ng mahabang salaysay tungkol sa pangyayari sa chief investigator ng Navotas police na si Chief Master Sergeant Joselito Galvez subalit pinaiksi ito pagdating sa piskalya na itinaggi naman ng opisyal.

Dahil dito kaya hinamon si Galvez ng mga senador na mag-polygraph test na noong una ay pumayag ito subalit kinalaunan ay tumanggi na.

Wika ni Dela Rosa na karapatan ni Galvez na tumanggi sa lie detector test subalit sa pagtanggi ay mistulang may itinatago ito.

Show comments