Nasalanta ni ‘Goring' umakyat sa 196,900 katao; isa nawawala
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 196,926 ang bilang ng mga residenteng apektado ng Super Typhoon Goring mula sa pitong rehiyon sa Luzon na apektado nito.
Ayon ito sa isang ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kung saan binanggit na 56,410 ang bilang ng mga pamilyang apektado ng super typhoon.
Mula rin sa bilang ng mga pamilyang lumikas, naitala rin ang sumusunod:
- Lumikas: 48,997
- Nasa loob ng evacuation centers: 35,095
- Nasa labas ng evacuation centers: 13,902
Ang mga naitalang apektadong populasyon ay nagmula sa mga sumusunod na rehiyon:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Western Visayas
- Cordillera Administrative Region
Mas mataas ito sa naitala kahapon na 63,565 residente mula sa 19,370 pamilyang apektado ng super typhoon.
Wala pa ring naitatalang namatay o sugatan ang NDRRMC ngunit iniimbestigahan ang posibleng pagkawala ng isang tao sa Western Visayas.
Umabot na rin sa 134 ang bilang ng mga bahay na napinsala at nawasak dulot ng masamang panahon.
Sa huling weather bulletin na inilabas ng PAGASA, namataan ang Super Typhoon Goring sa 90 kilometro kanluran timogkanluran ng Basco, Batanes at kumikilos patungo sa hilagang bahagi ng West Philippine Sea. — intern Matthew Gabriel
- Latest