MANILA, Philippines — Pinalaya na nitong Huwebes ng gabi si Cagayan Governor Manuel Mamba kasunod ng inisyung Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema na pumigil sa arrest at detention order ng joint panel ng Kamara laban sa nasabing opisyal.
Bandang alas-9 ng gabi nang palayain na sa kustodya ng Kamara si Mamba o ilang oras matapos itong sumuko bago mag-12 ng tanghali.
Si Mamba ay nakakuha ng TRO mula sa Korte ng nasabi ring araw kaugnay ng inihain nitong petisyon na iginiit na ‘political retribution’ o paghihiganti umano sa pulitika ang imbestigasyon ng Kamara laban sa kaniya.
Gayunman, sinabi ni House Committee on Public Accounts Chairman Joseph Stephen “Caraps“ Paduano na hindi ang TRO ng SC ang pangunahing dahilan ng pagpapalaya nila kay Mamba kundi matapos itong mag-sorry sa joint panel at mangakong makikipagkooperasyon na sa imbestigasyon.
Ang imbestigasyon ay base sa inihaing House Resolutions 145 -146 ni 3rd District Cagayan Rep. Joseph “Jojo” Lara kaugnay sa umano’y mga anomalya noong May 2022 polls sa Cagayan kung saan inakusahan si Mamba ng umano’y vote buying.
Sinasabing umaabot sa P320 milyon umano ang ipinamahagi sa mga botante ng Cagayan na itinago sa P1,000 COVID na umano’y ayuda noong campaign period.