Grupo sa DA: Restriksyon sa palm oil products 'magpapamahal sa mantika'
MANILA, Philippines — Panawagan ng isang grupo sa Department of Agriculture na pag-isipang mabuti kung itutuloy nito ang mungkahi ng ilang magpataw ng restriksyon sa pag-aangkat ng palm oil — bagay na maaaring magpataas daw ng presyo ng mantika.
Kasalukuyan kasing zero value-added tax (VAT) at duty-free ang importasyon ng palm oil sa bansa, bagay na pinare-review ng Federation of Philippine Industries sa dahilang maaapektuhan daw nito nang negatibo ang domestic coconut industry.
Ngunit para sa Bantay Palengke, isang pangkat na naka-pokus sa presyo ng mga bilihin, makakasama ang pagpigil sa tax-free importation dahil maaari raw nitong mapataas ang presyo ng mantika, na siya ring magtataas sa presyo ng iba pang bilihin.
“It’s likely that such limitations on free trade could cause palm oil prices to spike, along with the broader vegetable oil industry – including coconut oil,” sabi ni Lester Codog, Convenor ng Bantay Palengke, Biyernes.
“This, in turn, might have a direct impact on the collateral-free micro-financing provided by traders, while simultaneously rendering backyard compound feed producers uncompetitive in comparison to larger multinational corporations.”
Para sa pangkat, dapat na pag-aralan ang proposal at magkaroon ng konsultasyon sa mga consumers at iba’t ibang industriya na maapektuhan nito.
Binanggit din ni Codog na kahinahinala na ang pangunahing tagasulong ng mungkahing review ay si Jesus Arranza, chairperson ng Coconut Oil Refiners Association. Siya rin ang chair ng FPI.
“It is our position that Mr. Arranza’s lobbying efforts for a competitor sector should be dismissed based on the fact that his business will gain undue competitive advantage once his proposals are implemented,” dagdag ni Codog.
Ang polisiyang tax- and dury-free importation ng palm olein ay sinasabing dapat ginagamit bilang sangkap sa pagkain ng hayop. Gayunpaman, iginigiit ni Arranza na lumilitaw sa merkado bilang cooking oil o 'di kaya'y ibinibigay sa biodiesel producers bilang pamalit sa coconut oil.
Sa huling price monitoring ng DA nitong Huwebes, nasa P25 hanggang P40 ang kada 350 milliliter ng palm oil, habang nasa P62 hanggang P90 naman ang isang litro nito. — intern Matthew Gabriel
- Latest