MANILA, Philippines — Aminado si National Irrigation Administration (NIA) Acting Administrator Eduardo Guillen na may korapsyon sa kanilang ahensiya.
Sa pagdinig ng Senado ay direktang tinanong ni Senador Raffy Tulfo si Guillen kung naniniwala itong may korapsyon sa loob ng NIA.
Tugon dito ni Guillen, lahat naman ng organisasyon kahit sa abroad ay may korapsyon bagay na hindi naman nagustuhan ni Tulfo dahil NIA lamang ang kanyang tinatanong at hindi dapat idamay ang ibang organisasyon.
Punto pa ng Senador, ang tanging pagkakataon lang na mareresolba ang problema sa NIA ay kung tatanggapin na may korapsyon nga sa ahensya at hindi puro pagtatanggi na sinang-ayunan naman ng acting Administrator.
Ayon kay Guillen may ‘lapses’ sa loob ng ahensya subalit agad itong binara ni Tulfo at sinabing magkaibang usapin ang ‘lapses’ at ‘corruption’ at pagsu-sugar coat sa problema ang ginagawa ng opisyal.
Hinamon naman ni Tulfo si Guillen na aminin na niyang mayroon talagang katiwalian para mabigyan ito ng solusyon at masampahan na ng kaso ang mga dapat na mapanagot.
Sa huli ay inamin na rin ni Guillen na mayroong korapsyon sa kanyang ahensya at nangako na aayusin ang sistema para matugunan ang mga problema.