MANILA, Philippines — Malaking banta umano sa suplay ng tubig para sa irigasyon ng malawak na plantasyon ng palay ng mga magsasaka sa Luzon ang suspension ng Balog-Balog multipurpose dam.
Ito ay ayon sa grupo ng mga construction companies na nagtatrabaho para sa P5.8 bilyong dam project sa lalawigan ng Tarlac.
Nabatid na ang ITP construction Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd., isang consortium ng mga construction companies, ay nagsumite na ng liham kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., upang magpahayag ng pagtutol sa aksiyon ng kasalukuyang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) para i-terminate ang multi-bilyong proyekto na magbebenepisyo sana sa daan-daang magsasaka sa Central Luzon.
Ayon kay Isidro Pajarillaga Jr., authorized managing office ng ITP Construction–Guangxi Hydroelectric Construction Consortium, tinerminate ng NIA ang project contract sa kabila nang pagkabigo ng ahensiya na tumalima sa kanilang obligasyon sa pamamagitan nang pagresolba sa right-of-way at land possessory issues na nagresulta sa pagka-antala ng pagtatapos ng proyekto.
Sa dalawang pahinang liham na isinumite sa Office of the President at may petsang Agosto 14, 2023, sinabi nila na sa kabila ng modest accomplishments ng dam project, naantala ang konstruksiyon nito matapos na mabigo ang NIA na gawin ang kanilang obligasyon para makumpleto ang konstruksiyon ng water diversion tunnel.
Ipinaliwanag pa ni Pajarillaga na obligado ang NIA na i-deliber ang critical path para sa construction project dahil apektado nito ang buong proyekto.
Anila, sa kasamaang-palad, sinabi ng NIA na ang mga construction firm ay nagkaroon ng ‘negative slippage,’ gayung ang NIA anila ang nabigong tumupad sa kanilang obligasyon, tulad ng nakasaad sa kontrata.
Nauna rito, binigyang-diin ng Pangulo, na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), na dapat na makipag-coordinate ang NIA at makipagtulungan sa mga pribadong construction firms upang magamit ang dam projects, partikular na ngayong karamihan ng mga taniman sa bansa ay apektado ng climate change, gaya ng El Nino.