MANILA, Philippines — Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area sa silangan ng Cagayan, bagay na posible maging bagyo sa mga susunod na araw.
Ang naturang LPA ay nasa 570 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan kaninang Miyerkules nang madaling araw, sabi ng state weather bureau sa kanilang ulat panahon.
“Base sa pinakahuling datos natin, hindi natin inaalis ‘yung posibilidad na ito ay maging bagyo sa mga susunod na araw,” sabi ni Obet Badrina, weather specialist ng PAGASA.
Tatawagin itong bagyong "Goring" kung sakaling maging tropical depression sa loob ng Philippine area of responsibility.
Dahil sa LPA, binanggit na magdadala ito ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cordillera at Cagayan Valley.
Binanggit din na may epekto pa rin ang Habagat sa bansa na magdadala ng maulap na kalangitan na may malaking tiyansa ng pag-ulas sa Visayas, Mindanao, MIMAROPA, Bicol Region, at bahagi ng Bataan at Zambales.
Sa kabila nito, walang nakataas na Gale Warning o babala sa pagpalaot ng mga bangka.
Aniya magiging banayad hanggang katamtaman ang pag-alon ng mga karagatan sa bansa na maaaring maging mapanganib sa mga thunderstorms. — intern Matthew Gabriel