MANILA, Philippines — Wala umanong kakayahan ang Department of Agriculture (DA) na maibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas sa bansa.
Sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian na ang presyuhan sa bigas ay depende sa merkado kahit na nakopo ng ahensiya ang target na 95% rice sufficiency sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa taong 2028.
Sinabi ni Sebastian na kaya nilang maibaba ang post-harvest cost at production cost pero hindi nila kayang gawing P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Anya, ang presyo ng bigas ay mag-estabilize sa P45 hanggang P46 per kilo sa panahon ng anihan.
Niliwanag ni Sebastian na dahil sa pagpasok ng imported na bigas sa bansa na may kamahalan ng presyo ay tumataas din ang presyo ng lokal na bigas sa mga pamilihan.
Una rito, tinagubilinan ng Kamara ang DA na ang projection ng ahensiya ay nananatiling mataas ng dalawang beses kaysa sa pangako ni Pangulong Marcos na ibababa nito ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang P167.5 bilyong pondo ng DA, kinuwestiyon ni Basilan Rep. Mujiv Hataman kung nasa road map ba ng DA ang P20 kilo ng bigas sa ilalim ng termino ni PBBM.
Sinabi ni Sebastian na hindi napag-usapan ng mga opisyal ng DA ang P20 kada kilo pero kasama anya ito sa kanilang hangarin pero hindi sa nasabing halaga. — Joy Cantos