MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na tuluy-tuloy na makapag-aaral ang mga anak ng 23 pulis na napatay sa engkuwentro matapos silang magbigay ng educational assistance sa mga ito.
Ayon kay PNP public information office chief Brig. Gen. Redrico A. Maranan, bahagi ito ng kanilang pangako na prayoridad ng PNP ang kapakanan ng kanilang mga pulis at pamilya ng mga ito sa ilalim ng PNP-Bayaning Pulis Foundation Educational Assistance Program.
Sakop ng nasabing programa ang bayad sa tuition fee at pambili ng mga school supplies.
Sinabi ni Maranan, hindi pababayaan ng PNP ang pamilya ng mga napatay na pulis at sa halip ay magsisilbi silang gabay na matupad ang mga pangarap ng mga ito.
Bilang ganti sa pagbubuwis ng buhay at serbisyo ng mga pulis, binigyan diin naman ni PNP Deputy Director for Administration LtGen. Rhodel Sermonia na sisiguraduhin nilang matutupad ang pangarap ng mga anak ng pulis at maganda ang kinabukasan.