MANILA, Philippines — Nanawagan nitong Sabado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa China Coast Guard (CCG) na umasal nang tama, irespeto ang karapatan sa soberenya at huwag nang pakialaman ang Rotational at Resupply (RORE) mission para sa trooa ng mga sundalo na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni AFP Spokesman Col. Medel Aguilar, mandato ng AFP na protektahan ang tropa ng mga sundalo na nagbabantay sa teritoryong nasasaklaw ng 200 Exclusive Economic Zone (EEZ) sa karagatan ng bansa.
“As we continue to pursue this humanitarian undertaking and defend our rights over our maritime zones, we also affirm our support for the peaceful settlement of disputes,” pahayag ni Aguilar.
“We, therefore, call on all relevant parties to abide by their obligations under international law and respect the Philippines’ sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction over its maritime zones”, punto ng AFP Spokesman.
Ginawa ni Aguilar ang pahayag kaugnay ng marahas na aksiyon ng China matapos bombahin ng ‘water cannons’ ang bangka ng mga elemento ng Philippine Coast Guard (PCG) na maghahatid lamang ng supply na pagkain, tubig at iba pa sa tropa ng mga sundalo na nagtatanod sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Bunga ng insidente, sinabi ni Aguilar na kalahati lamang sa resupply mission ang naipadala sa tropa ng mga sundalo.
Ang ikalawang resupply mission sa Ayungin ay nakatakda namang isagawa sa susunod na linggo.
Binigyang diin ng opisyal na nanatili ang pagsuporta ng AFP sa mapayapang pagsasaayos ng gusot sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS.